Go: Nawalan ng kayod sa entertainment industry, tulungan

June 16, 2020
Bong Go

UMAPELA si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa pamahalaan na huwag kalimutang tulungan din ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng COVID-19 crisis, lalo ang mga manggagawa ng mga industriyang hindi makapag-operate dahil sa social distancing at community quarantine.

Sinabi ni  Go na dahil sa COVID-19, may mga industriya talagang hindi makapag-operate sapagkat bawal ang pagtitipon gaya ng mga nasa live events organizing na kailangan maghanap ng ibang pagkakakitaan.

Anang senador, kabilang sa displaced workers na dapat mabigyan ng atensyon ng gobyerno ay ang mga nasa live events o ordinaryong manggagawa sa entertainment industry pati ang mga negosyo na hindi makapagbukas sa ngayon.

“Bukod pa diyan, ang mga tao sa entertainment industry ay apektado rin po, lalong lalo na ‘yung ordinaryong manggagawa tulad nung parte ng mga production crew bilang halimbawa. Ito po ‘yung mga kababayan nating bumubuhay sa industriya ng sining na ngayon ay hirap makabalik sa kabuhayan nila,” paliwanag ni Go.

Ang live events industry ay kinabilalangan ng mga events, gaya ng meetings, conferencing, exhibitions, concerts ng international at local artists, theatrical productions, corporate, social, cultural, fashion, sporting, and club events, weddings at family celebrations, trade fairs at exhibits, on-ground activation at sampling activities.

“Tulungan nating mapagaan ang pinapasan ng mga nasa ganitong uri ng industriya. Wala pong dapat mapabayaan sa panahon ngayon. Magbayanihan tayo para malampasan ang krisis na ito at makabangon agad ang bawat Filipino,” sabi ni Go.

Umaasa si Go na kapag lumitaw sa DOH data na dumarami na ang nakarerekober sa virus at nakokontrol na ang pagkalat ng COVID-19, maraming probinsiya o lungsod na nasa ilalim ng modified general community quarantine ang maaari nang maglabas ng guidelines sa mga industriyang nabanggit para makabalik sa kanilang operasyon pero dapat pa ring masunod ang health protocols.

Iginiit ng senador sa Department of Trade and Industry at Department of Labor and Employment na tingnan ang kalagayan ng displaced workers para tiyaking may programang tutulong sa mga ito na makaahon sa sila sa kasalukuyang krisis.

“May mga existing programs naman po ang mga ahensya ng gobyerno para sa displaced workers. Siguraduhin po natin na hindi mapabayaan ang mga nasa industriyang ito,” aniya.

Ipinaalala din ng senator na ang Department of Social Welfare and Development ay maaari ring magbigay ng emergency assistance sa mga apektadong indibidwal na kabilang sa nasabing industriya sa pamamagitan ng Assistance for Individuals in Crisis Situations Program.

Kamakailan ay humiling sa gobyerno ang National Live Events Coalition (NLEC) na sana ay mabigyan din ng ayuda ang kanilang mga kasapi na nawalan din ng oportunidad at pagkakakitaan dahil sa COVID-19 pandemic.

Ang Live events organizing ay isang multi-billion industry na nakapagbibigay ng trabaho sa libong katao.

Sinabi ng NLEC na ang industriya ay binubuo ng 30,000 MSMEs at malaking kabuhayan ang nawala sa kanila habang patuloy na nilalabanan ang pandemya.