Go: Pagsusuot ng face mask, gawing disiplina

August 13, 2020
Bong Go

BUKOD sa wastong paglilinis ng katawan at tamang paghuhugas ng kamay, muling ipinaalala ni Sen. Bong Go sa sambayanang Filipino na gawing disiplina sa araw-araw ang pagsusuot ng face mask sa pagsasabing ito ang mabisang paraan na pagpuksa sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Nakibahagi "virtually" si Sen. Go, chairman ng Senate committee on health and demography, sa community distribution ng face masks na isinagawa sa Ynares Compound  sa Antipolo City nitong Miyerkoles.

“Let us make it a discipline among all Filipinos to wear face masks at all times. Pinapaalalahanan ko ang publiko na ang pagsuot ng face mask ay pangunahing paraan upang proteksyunan ang sarili at bilang pagrespeto o pagbibigay konsiderasyon rin sa kapwa tao,” ayon sa senador.

Maaalalang hiniling ni Go sa pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang mask-wearing policy sa bansa.

"Naghihirap na po ang mga Pilipino at karamihan ay walang pambili ng mask. I appealed to the concerned government agencies to use its available resources to provide more face masks, especially to the poor. Today, we are launching the free mask distribution program,” ang mensahe ni Go.

Ang programang ito ay tugon na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na libreng mamigay ng face masks sa vulnerable sectors, partikular sa senior citizens, mga buntis, persons with special health conditions at Social Amelioration Program (SAP) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries.

Umaabot sa 10,000 face masks ang ipinamahagi sa nasabing event.

“Inoobliga natin silang magsuot ng face masks kahit halos wala na nga silang pambili ng pagkain. Uunahin siyempre nila ang bumili ng pagkain kaysa bumili ng mask. Para naman mabuhay, kailangan nilang bumalik sa trabaho pero hindi sila makakapagtrabaho nang maayos kung hindi sila protektado. Kaya dapat lang na bigyan natin sila ng libreng masks,” anang senador.

Sa kanyang talumpati, pinuri at pinasalamatan ni Go ang medical frontliners para sa kanilang serbisyo at sakripisyo na labanan ang pandemya.

Hinimok niya ang bawat isa na suportahan ang mga frontliners sa simpleng pagsunod sa health at safety measures para mapigil ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng pagsusuot ng masks, pag-obserba sa social distancing, wastong paglilinis o palagiang paghuhugas ng kamay.

Sinabi ni Go na batay sa mga eksperto, ang pagsusuot ng tamang uri ng face mask ay 85%. mabisa para hindi makasagap ng virus. Ang social distancing at pagsusuot ng face shields ay nakababawas ng 90% panganib.

“This is why in the absence of a vaccine, wearing a mask remains a must,” pagdidiin ng senador.

Naniniwala ang senador na makatutulong ang insiyatiba  para magkaroon ng oportunidad ang iba at ma-promote ang locally made face masks, makalikha ng kabuhayan at mapalakas ang lokal na industriya.

“Kaya bukod sa pagpoprotekta sa kalusugan ng ating mga kababayan, nakatulong pa tayo sa mga maliliit na negosyong Pilipino na lubhang naapektuhan dahil sa krisis na ito. Gusto natin na bumalik ang dating sigla ng ating ekonomiya at kabuhayan sa ating bansa, pero mangyayari lamang ito kapag inisip natin ang kapakanan ng bawat isa,” aniya.