Go sa gobyerno: Angkas sa motorsiklo, payagan na

June 21, 2020
Bong Go

INIHAYAG ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na malaking tulong sa "bayang mananakay" ang backriding sa motorsiklo kung kaya umapela siya sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Diseases na pag-aralang mabuti ang mga panukalang hakbang at kinakailangang health and safety protocols upang sila ay mapayagan na sa kalsada.

Gayunman, nakiusap si Go sa mga mananakay na sumunod sa health safety guidelines na ipinatutupad ng pamahalaan.

“Malaking tulong sa ating mga kababayan kung papayagan ang ‘backriding’ sa motorsiklo lalo na dahil limitado pa ang public transportation. Huwag lang po natin madaliin. Siguraduhin dapat na magagawa ito sa ligtas na paraan,” ayon sa senador.

Pinuri ni Go ang naging desisyon ng IATF na payagan ang backriding "in principle" basta maayos nang nakalatag ang mga panuntunan hinggil dito.

Naniniwala ang senador na sa panukala ay magiging maayos ang galaw ng publiko at makapagbibigay na ito ng kabuhayan, lalo sa mga driver ng motorcycle riding apps.

Ngunit iginiit niya na kailangan ang masusing scientific study lalo sa aspeto ng kaligtasan ng kalusugan at transportasyon sakaling ito ay mapasimulan

“Dapat pag-aralan muna kung ‘yung mga proposals tulad ng paggamit ng plastic dividers sa gitna ng nagmamaneho at ng pasahero ay sapat upang hindi makahawa ng sakit. Ikonsidera rin dapat kung ang mga proposed safety measures na ito ay hindi makakasama sa kaligtasan ng pagmomotorsiklo at sa kalsada,” ani Go.

Noon pa mang June 4 nang simulan ang unti-unting paghihigpit sa quarantine protocols ay ipinayo na ni Sen. Go sa gobyerno ang posibilidad na payagan ang backriding as motorsiklo dahil na rin sa limitadong pampublikong masasakyan, lalo sa malalaking lungsod na gaya ng Metro Manila.

Pero ibinabala niya na dapat huwag alisin ang mga health safety protocols.

“Una sa lahat, buhay muna ng tao ang pinakaimportante sa anumang desisyong gagawin ng gobyerno,” ang sabi ng senador.

Ayon sa IATF officials, pabor sila "in principle" na payagan ang backriding dahil na rin sa reklamo ng marami na ang pagbabawal sa backriding ay lalo lang nagpapahirap sa mga mananakay.

Sa IATF Resolution No. 47 na inilabas noong June 19,  nakasaad na ang Technical Working Group ay inatasang aralin kung ano ang mas ligtas at epektibong paraan upang hindi magkaroon ng hawahan ng virus ang rider at kaniyang angkas.

“For this purpose, this mode of transportation is hereinafter allowed in principle upon the approval of the requirements to be set by the TWG,” anang resolusyon.

Sinabi ni Senator Go na dahil sa kakapusan ng pampublikong sasakyan ay nahihirapan ang mga Filipino sa pagbalik sa kanilang mga trabaho o hahanpbuhay.

Pero dapat aniya na makisama at makiisa rin ang publiko sa mga awtoridad na sundin ang protocols para hindi na kumalat ang virus.

“Hindi pa tapos ang laban. Andyan pa rin ang banta ng pandemyang ito. Kaya hinihikayat ko ang ating mga kababayan na huwag maging kampante. Sumunod tayo sa mga health protocols, lalo na ang social distancing at pagsuot ng face masks,’’ ang paalala niya.

“Ang hangad po natin dito ay mabigyan ng transportation options ang ating mga kababayan na ligtas at maaasahan kahit na kasalukuyang mayroon pong community quarantine measures,” dagdag ng senador.