Go sa Task Force: Totohanin, ikulong mga magnanakaw

August 09, 2020
Bong Go

HINAMON ni Senator Bong Go ang Department of Justice (DoJ) na siyang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangunahan ang anti-corruption task force na totohanin ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng pagpapakulong sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

"Tulungan n'yo po ang Pilipino. Totohanin n'yo po. Ikulong n'yo po, lalung lalo na ang mga magnanakaw na nagsasamantala sa pera ng tao. Alam n'yo napakahalaga ng bawat piso sa bawat Pilipino ngayong panahong ito," apela ni Go.

Ang DoJ ang itinalaga ni Presidente Duterte upang imbestigahan ang mga alegasyon ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at iba pang ahensiya na naging sistema na ang mga anomalya.

Tiniyak ni Sen. Go sa publiko na lalong pinalalakas ng Pangulo ang giyera nito laban sa corruption lalo't dalawang taon na lang ang nalalabi sa kanyang administrasyon.

"Sabi ng Pangulo, 'di siya titigil na lalabanan ang korapsyon. The next two years, sabi n'ya magwawala po siya. Ibig sabihin 'magwawala', gagawin niya ang lahat, sasagasaan n'ya ang dapat sagasaan... gagawin niya ang lahat para sa Pilipino," ayon kay Go.

Maging siya, ani Go, ay pinaalalahanan ng Presidente na magsalita laban sa katiwalian kahit pa madamay ang mga kaalyado nila sa politika at kapwa opisyal sa gobyerno.

"Ako naman, pinapaalala n'ya sa akin, sabi nya, 'ikaw, Bong, kahit na ally tayo, kahit mga kasamahan natin sa gobyerno, 'pag pumasok sa katiwalian, magsalita ka. Kahit magsalita ka na like an opposition, magsalita ka basta may nakikita kang katiwalian sa gobyerno ‘yan'," ani Go tungkol sa payo sa kanya ng Pangulo.

Kaya hinamon ni Go ang DoJ na ilantad ang mga responsable sa mga maanomalyang gawain at hugutin ang mga nakabaon nang sistema ng katiwalian sa pamahalaan.
"I am challenging the Executive Department, especially Secretary (Menardo) Guevarra, Secretary (Salvador) Medialdea. Pwede rin po nilang i-tap ang PACC (Presidential Anti-Corruption Commission) rito kasama rin ‘yan sa order ng Pangulo para tumulong," ani Go.

Ipinaliwanag ng senador na matapos talupan ang mga iregularidad sa Philhealth, isusunod ng task force ang mga ahensiyang punong-puno ng mga magnanakaw, kagaya ng Bureau of Customs (Coc).

"Habang nilalabanan natin ang COVID-19, hindi rin tayo titigil hanggang mabigyan ng mabisang lunas ang malubhang sakit na dulot ng corruption sa buong sistema ng gobyerno," sabi ni Go.

Para sa mambabatas, hindi katanggap-tanggap na tutuntong ang taong 2021 na wala nang pondo para sa Universal Health Care (UHC) Law.

"Hindi ko matanggap na pupunta ang pasyente sa ospital tatanggihan doon na wala nang pondo ang PhilHealth para sa UHC. Sabi ko, unahin ang UHC. Kung merong pondo na ilaan, unahin natin ang health ng bawat Pilipino," idiniin niya.

Sinabi ng senador na kaawa-awa ang mga Filipino na maayos na nagbabayad ng PhilHealth premiums pero talamak ang korapsyon sa ahensiya.