Go: Subsidiya ng Philhealth sa Pinoy itaas

June 18, 2020
Bong Go & Ricardo Morales
Tinatanong ni Sen. Bong Go si Philhealth president Ricardo Morales sa joint congressional oversight committee hearing ng Senado hinggil sa Universal Health Care Law.

NAIS ni Senator Christopher Lawrence "Bong" Go na maitaas ang ibinibigay na subsidiya o tulong ng Philhealth sa mga Filipino sa ilalim ng Universal Health Care Law.

Ayon kay Sen. Go isusulong niya sa Senado ang mas mataas na pagbibigay ng subsidiya sa lahat ng Filipino para matiyak ang mas maayos na implementasyon ng UHC Law.

Ngunit nabatid na mangyayari lamang ito kung itataas din ang ibinibigay na pondo ng gobyerno sa PhilHealth dahil sadyang kapos ang kasalukuyan nitong badyet.

Inamin ni Philhealth president Ricardo Morales na ang government health insurance agency ay nahihirapang matugunan ang benepisyo ng mga benepisyaryo nito, partikular na ang premium ng mga indirect contributors nito.

Aniya, ang Philhealth ay mayroon lamang P71.3 billion subsidy sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act, sobrang liit o taliwas sa orihinal na panukala nito na P153 bilyon.

Kaya naman umaapela si Go sa Department of Budget and Management na pag-aralan ang opsyon na maitaas ang annual budget ng ahensiya.

“Nangako tayo, inaprubahan ng Kongreso ang UHC law, lalong lalo na sa mahihirap nating kababayan na umaasang sasagutin po ng PhilHeath ang kanilang pangangailangan pagdating sa kalusugan,” ani Go.

“Ako po ay nananawagan sa mga economic managers na pagtuunan ito ng pansin. Napakaimportante po ng PhilHealth sa atin at sa health care system. Gawan dapat ng paraan na taasan ang subsidy sa PhilHealth para mas mapagaan ang burden sa ordinaryong tao. Now more than ever, dapat ma-prioritize ang health. We must do what we can to ensure that every Filipino can have access to universal health care for all,” sabi ng senador.

Sa joint congressional oversight committee hearing na tumagal nang 7 oras, hiniling ni Go kay Morales na siyasatin ang report na umano'y paniningil ng Philhealth sa overseas Filipino workers (OFWs) ng kanilang premium contributions bago sila mabigyan ng Overseas Employment Certificate.

Sa pagkakaalam ni Go ay wala namang ganitong probisyon sa batas at sa katunayan, ang implementasyon nito ay ipinasuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil na rin sa  financial situation ngayon ng OFWs.

Nilinaw naman ni Morales na naglabas ng advisory ang ahensiya nitong June 11 para ipaalam sa OFWs na ang premium payments ay boluntaryo muna sa harap ng paglaban ng bansa sa pandemya.

Ayon kay Sen. Go, layon ng UHC Law na awtomatikong maisama sa National Health Insurance Program ang lahat ng Filipino, direct o indirect contributor man siya.

Ito ay upang maprotektahan ang bawat isa sa pagbabayad ng serbisyo para sa kanilang kalusugan mula sa sariling bulsa at malaking tulong din upang hindi malubog sa kahirapan ang mga Filipino.

“We want to eliminate the idea of health care as an entitlement and as a privilege of the few who can afford to pay,” ani Go.