Health workers umaalma na

March 12, 2020

UMAALMA na ang ilang government health workers dahil sa kakulangan ng kagamitan para sa proteksyon ng kanilang tungkulin sa harap ng panganib ng deadly virus COVID-19 sa kanilang mga ospital.

Sa idinaos na press conference ng Alliance of Health Workers (AHW) sa Quezon City, sinabi ni Cristy Donguines, president ng Jose Reyes Medical Center Employees Union – Alliance of Health Workers (JRRMMCEU-AHW) na salat sa supply ng mga kagamitan gaya ng surgical masks, alcohol at sanitizers ang kanilang ospital.

Aniya, gaya ng mga nurses na nagtatrabaho sa kanilang ospital, sariling gastos ang ginagawa ng kanilang mga tauhan para maprotektahan ang kanilang kalusugan.

Pareho din ang nurse na si Jaymee de Guzman ng Filipino Nurses Unite sa mga nararanasang diskriminasyon ng kanilang hanay kung saan karamihan sa mga nurses ay nakararanas ng trauma dulot ng ilang kakulangan gaya ng mga protocol na dapat sundin.

Ayon dito sa San Lazaro Hospital, sa sabon pa lamang ay kulang na gayundin ang ventilation sa kanilang mga kuwarto.

Handa ang mga nurses subalit tiyakin lamang ng gobyerno na maayos ang mga supply ng kagamitan ng kanilang mga ospital upang hindi malagay sa kapahamakan ang mga government health workers.