Mayor Abby iniulat P17.8B revenue

January 10, 2019
Abby Binay

INIULAT noong Martes ni Makati Mayor Abby Binay ang mga nagawa ng kanyang administrasyon para sa lungsod nitong 2018 sa kanyang ikatlong State of the City Address sa harap ng mga kasapi ng Rotary Club of Makati sa Peninsula Manila, kabilang ang mga inisyatibang nakapagpalakas sa kalagayang pang-pinansiyal at sa kabuuang kaunlaran ng lungsod.

Sa kanyang ulat, sinabi ni Mayor Abby na umabot sa P17.8 bilyon ang revenue collection nitong December 31, na lagpas ng 14 porsiyento sa itinakdang target. Batay sa inisyal na ulat ng Office of the City Treasurer, ang Business Tax ang may pinakamataas na koleksyon na umabot sa P9.1 bilyon, na sinundan ng Realty Tax na may halos P6.2 bilyon.

Aniya, nagbunga ang mga reporma at pagbabagong ipinatupad niya mula nang siya ay maluklok sa City Hall, at bukod sa malakas na pananalapi ay nakuha rin ng lungsod ang inaasam na pinakamataas na audit rating mula sa Commission on Audit (COA).

Iginawad ng COA ang “unqualified opinion” sa lungsod matapos suriin ang financial statements nito para sa fiscal year 2017, at ito ang kauna-unahang pagkakataong natanggap ito ng Makati.

Kinumpirma rin ng COA na ang Makati na ang pinakamayamang lungsod sa bansa matapos umabot sa P196.7 bilyon ang total assets nito, at naging kauna-unahang pamahalaang lokal na nalagpasan ang P100 bilyong halaga ng assets.

Ibinahagi rin ni Mayor Abby sa mga Rotarian ang mga natatanging inisyatibang ipinatupad upang gawing tunay na abot-kamay ng bawat bata at kabataan sa Makati ang mataas na kalidad ng edukasyon.         Namigay ang lungsod ng libreng rubber shoes, rain coat at bota, hygiene at dental kits, at libreng educational field trips sa mga tanyag na lugar upang hindi mabigatan ang mga magulang at wala nang maging dahilan para hindi mapag-aral ang kanilang mga anak.

Ibinida rin ng alkalde ang bagong digital mammography machine at portable X-ray na nagagamit na sa Ospital ng Makati, ang kanyang paglagda ng kasunduan kasama ang Makati Medical Center upang mabenepisyuhan ang mga Yellow Card member ng mga makabagong kagamitan at dalubhasang serbisyo sa naturang ospital, at ang paglunsad ng Baby Makatizen Program na nagsusulong ng maayos na pangangalaga sa kalusugan ng mga buntis at ng sanggol na kanilang dinadala.

Nanatili namang rabies-free ang Makati sa buong 2018 dahil na rin sa agresibong rabies vaccination na nakapagbakuna ng 27,000 alagang aso at pusa, habang nasa 4,000 naman ang na-microchip.

Iniulat din ni Mayor Abby ang panukalang bigyan ng P10,000 annual cash gift ang mga senior citizen na may edad 90 hanggang 99 sa ilalim ng Blu Card program, na kasalukuyang tinatalakay ng Sangguniang Panlungsod.

Mayroon na rin 53,500 Makatizen Card ang naibahagi sa mga kwalipikadong residente, at may 13 barangay na ring sakop sa free wifi project ng lungsod. Pinangalanang Champion City ang Makati sa e-Gov Digital Finance Empowerment (G2P) sa ginanap na First Digital Cities Awards, and nanalo ito ng Special Achievement in GIS (SAG) Award 2018 sa 38th Esri User Conference sa California.

Sa kanyang tugon sa alkalde, pinapurihan ni RC Makati president Alfredo Pascual si Mayor Abby dahil sa mga pagbabagong naisakatuparan niya sa lungsod. Aniya pa, hinahangaan niya ang pagpapahalagang ibininigay ng alkalde sa edukasyon at kalusugan, dahil higit na kailangan ang malulusog at edukadong mamamayan upang maisulong ang kaunlaran ng bansa.

Pinuri din niya ang paggamit ng makabagong teknolohiya, partikular na sa paghahatid ng mga napapanahong serbisyong panlipunan at sa pagpapaginhawa sa mga transaksyon ng mga negosyante sa lokal na pamahalaan.

Samantala, ibinahagi ng alkalde ang kanyang pangarap na mapamunuan ang kaganapan ng Makati Subway Project, na kanyang itinuturing na “legacy” para sa mga mamamayan ng Makati.

Ibinida rin niya ang mga makabagong kagamitan ng lungsod para mapanatili ang kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng mga mamamayan, kabilang na ang mga bagong patrol car at mga fire truck, pati na ang mga rescue boat at iba pa sa kapulisan at mga bumbero ng lungsod.

Ayon kay Mayor Abby, sa loob ng halos tatlong taon, nagtagumpay ang kanyang pamunuan sa pagpapanumbalik ng dignidad at integridad sa City Hall; ng kahusayan at malasakit sa mga serbisyo; at ng respeto sa batas at kaayusan sa mga lansangan at komunidad ng Makati.

Ipinahayag ng alkalde na natitiyak niyang nagtagumpay ang kanyang administrasyon sa paglatag ng pundasyon para sa isang tunay na inklusibong kaunlaran at matatag na kinabukasan para sa lahat ng mamamayan ng Makati.