Mistulang Anay at Bukbok! –Rep. Marcoleta

August 04, 2020

Sa isang ambush interview, nagpaunlak si Deputy Speaker Marcoleta hinggil sa paglilinaw sa isang COA-related news.

“Nakakaawa naman ang mga taong ito”, sagot ni Rep. Marcoleta nang tanungin siya tungkol sa nagpapakalat na di-umano isa siya sa tinukoy sa isang anomalyang iniulat noong 2013.

“Matagal ko nang nasagot ang issue na iyan na kung saan ay nadawit lamang ako sa awayan ng mga LGU officials. Sa totoo lang ang may pananagutan diyan ay mga implementing agencies at COA, sang-ayon sa sarili nilang COA Circular 95-003”, paliwanag ni Marcoleta. Matatandaan na ang COA Circular No. 95-003 ay patungkol lamang sa pananagutan ng mga implementing agencies sa ilalim ng executive department, lalong-lalo na ang COA. Niliwanag ni Marcoleta na ang mga kasapi ng Kamara ay hindi kabilang sa mga responsableng mga ahensiya na direktang tinukoy sa pagpapatupad ng mga proyektong pampubliko.

Kapansin-pansin naman daw na binubuhay nila ang matagal nang patay na usaping ito upang makaganti lamang sila sa katatapos na pagbawi sa prangkisa ng ABS-CBN. Makikita naman daw kung papano pilit nilang pinalalabas at iniuugnay ang katiwaliang ito na walang basehan sa layuning makapanira lamang.

“Parang anay at bukbok ang mga ito”, dagdag pa ni Marcoleta, “na walang alam na gawin kundi ang puminsala lamang.” Sa huli ay nilinaw ni Marcoleta na isa sa mga kauring ulat na isinampa nila sa opisina ng Ombudsman ay naibasura lang noon pang Enero 2019. Sa OMB-C-C-17-0175 ay tahasang binalewala ni Ombudsman Samuel R. Martires ang mga habla na may kinalaman sa COA sapagkat wala itong nakitang anomang paglabag, taliwas sa paratang na imbento lamang laban kay Rep. Marcoleta.