
Panay Electric Company pinalagan
Mga residente umalma sa bantang blackout.
INALMAHAN kahapon ng mga residente ng Iloilo City ang umano’y pagbabanta ng Panay Electric Company (PECO) na kanilang ititigil ang kanilang operasyon sa Enero 19, 2019 kung hindi mare-renew ang kanilang congressional franchise.
Nauna umanong iginiit ni PECO legal counsel Atty. Inocencio Ferrer na ang Kamara de Representantes at Senado ang dapat sisihin ng mga residente sa posibleng citywide blackout dahil sa hindi pagre-renew ng kanilang prangkisa.
Sinabi ng mga residente na dapat isinulong ng PECO ang modernisasyon ng kanilang kompanya matapos ang 95-taong operasyon kung saan kinuwestiyon ang kanilang serbisyo.
Kasabay ng mga kontrobersiya sa hindi naaprubahang prangkisa ng PECO, inaprubahan naman ng Kamara de Representantes at Senado ang legislative franchise ng MORE Power and Electric Company na mag-operate bilang distribution utility sa Iloilo.
Sa ngayon, nananatiling nakabinbin sa House committee on legislative franchises ang aplikasyon sa franchise renewal ng PECO na tinututulan ng mga kritiko nito sa Iloilo City.
Sa naging pagdinig ng Senate committee on public services na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe, nabatid na hindi kumuha ng prangkisa ang PECO sa Kongreso nang mapaso ang 25-year legislative franchise nito noong 1994 na nagsimulang magkabisa noong Hunyo 1968 sa pamamagitan ng Republic Act (RA) No. 5360.
Nalaman naman kay Sen. Francis Escudero na nagkaroon ng 25-taong ektensiyon sa prangkisa ng PECO mula 1994 hanggang Enero 19, 2019 sa pamamagitan ng administrative order ng National Electrification Commission (NEC).
Itinanggi naman ng PECO ang alegasyon na wala silang prangkisa.
Nanindigan naman ang Department of Energy (DoE) na wala silang nakikitang problema sakaling hindi ma-renew ang prangkisa ng PECO at bigyan ng bagong prangkisa ang ibang utility firm.
Binigyang katiyakan din ng DoE at Energy Regulatory Commission (ERC) na mananatiling maayos at walang pagka-antala sa suplay ng kuryente sa Iloilo City.
Naunang tiniyak ni Energy Sec. Alfonso Cusi na pinag-aaalan nila ang mga hakbang upang maiwasan ang citywide blackout na sinegundahan ni Atty. Gregorio Ofalsa, officer-in-charge ng Consumers Affairs Service ng ERC.
Noong Oktubre 18, naunang inaprubahan ng Senado ang prangkisa ng More Power na nagbigay daan para bumuo ng technical working group (TWG) upang isaayos ang transition process na hindi umano dinaluhan ng mga kinatawan ng PECO.