Plastic bollard barrier mas ligtas kesa concrete barriers

IGINIIT ni House Assistant Majority Leader at Quezon City Rep. Anthony Peter “Onyx” D. Crisologo sa pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na palitan ng mas ligtas na plastic bollard barriers ang kasalukuyang concrete barriers na nakalagay sa kahabaan ng EDSA
para sa kaligtasan ng mga motorista.

Binigyang-diin ni Crisologo na nagbabanta ang malaking sakuna para sa mga motoristang bumibiyahe sa EDSA dahil sa mga peligrosong concrete barriers katulad ng insidenteng nangyari kamakailan na kinsangkutan ng isang rumaragasang bus.

Sa pamamagitan ng isang cell phone video, nakita ang isang rumaragasang bus na walang habas na winasiwas ang mga nakahilerang concrete barriers sa EDSA.

Dahil dito, iminungkahi ng kongresista kay Transportation Sec. Arturo Tugade at MMDA General Manager Jose Arturo “Jojo” D. Garcia, Jr. na kailangang palitan ng mas ligtas na barriers ang mga harang na nakalagay sa EDSA at ang isa sa nakikita niyang ligtas gamitin ay ang modernong reflectorized bollards na mas magaan at manipis.

“Sa akin lang po, let’s make it more safer for everyone not only to public buses but also to the riding public doon sa private area. Kasi kung ito ay steel or concrete malaki ang damage na magagawa, maraming motorista ang naaaksidente,” ayon kay Crisologo.

Ipinaliwanag ni Crisologo na mas mahalaga ang buhay ng mga motoristang bumabagtas sa kahabaan ng EDSA sa halip na ang halagang gagastusin para sa pagbili ng mga plastic rubberized barriers.

“Para sa akin I value life more than property. Kung ang problema ng MMDA ay sinasagasaan lang ng mga pasaway na motorista ang mga barriers sa EDSA, ang gawin natin ay tanggalan natin sila ng lisensiya and let’s take them out of the streets. Kesa naman sa may mga motorista ang madisgrasya dahil sa mga concrete barriers na ito,” ayon kay Crisologo.