Presyo ng face mask posibleng tumaas pa

February 10, 2020

POSIBLENG tumaas ang presyo ng face mask hanggang P12.00 taliwas sa mga naunang pahayag ni Trade Secretary Ramon Lopez na dapat P8 lamang ang presyo nito.

Posibleng pumayag na ang Department of Trade and Industry (DTI) na itaas ang presyo ng mga face mask kasunod ng pahayag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na aniya’y maaari nang gawing P12 kada piraso ang nasabing presyo nito.

Idinagdag pa ng opisyal na kakausapin muna niya ang Department of Health (DoH) para sa nasabing plano.

Kamakailan lamang sinabi ng DTI chief na tumaas na rin ang presyo ng raw materials ng face mask matapos ang malawakang demand nito mula ng kumalat ang 2019 novel coronavirus.