Rep. Campos ‘reresbak!’

IPINAGMALAKI ni Ma­kati (2nd Disrtrict) Rep. Luis Angel N. Campos Jr. kahapon ang kanyang pagiging “negative” sa drug test makaraang umalingaw-ngaw ang mga alegasyon na siya ay isang drug user.

Sinupalpal ni Campos ang kanyang mga kritiko matapos ipakita ang resulta ng drug test, nang kanyang isumite ang sarili sa drug testing sa East Avenue Medical Center noong nakaraang linggo, upang pabulaaanan ang bintang at mga kumakalat na maling balita sa social media gaya ng Facebook.

Bumuwelta rin si Campos na kanyang kakasuhan ang mga nagpapakalat ng maling balita at bumabatikos sa kanya sa paghahain ng kasong cyber libel sa sinumang mapatunayang nagkakalat ng maling balita sa pagkatao ng Kongresista.

“Kailan man ay hindi ako naging isang drug user. Hindi ako drug addict, gaya ng mga ikinakalat na maling balita ng aking mga katunggali o ng kanilang mga supporters. Kailanman ay hindi rin ako nag-alaga o isang coddler ng sino mang drug addict sa aking distrito,” paliwanag ni Campos.

Si Campos na asawa ng alkalde ng Lungsod Makati na si Mayora Abby Binay, ay tumatakbong muli bilang kongresista ng ikalawang distrito ng lungsod kasama ang ama ng mayora na si dating Bise Presidente Jejomar Binay na siya namang tumatakbo bilang kongresista ng unang distrito ng Makati.
Isang bagitong pulitiko si Campos ng pasukin nito ang pagiging lingkod bayan nang hikayatin siya ng matandang Binay na tumulong sa panunungkulan ng kanyang asawang si Abby.

Nagsimula siya sa mga pagsama sa mga medical mission at job fair sa mga tinatawag na Lingkod Bayan Caravan na inoraganisa ni Mayora Abby para sa mga taga lungsod ng Makati.
Mula noon ay kinagiliwan na siya ng mga residente ng Makati at inihalal na kanilang Congressman para sa District 2 ng lungsod.