Sapat, murang face shield para sa commuters hiniling

August 09, 2020

MARIING nanawagan ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na siguraduhing sapat ang suppy ng face shield para sa commuters at sa murang halaga.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng LCSP, dapat bantayan ang mga mapagsamantalang mga negosyante at hoarders.

Ayon sa monitoring  mg LCSP ay biglang nagkaubusan ng face shield at tumaas pa ang presyo nito matapos i-anunsyo ng Department of Transporation (DOTr) na kailangang naka-face shield at face mask ang mga commuters na sasakakay sa mga public utility vehicles.

“Ibig sabihin - no face mask no face shield no ride. Ang dahilan, 99 percent risk reduction daw sa deadly virus na COVID-19 kapag mayroon nito at naka-social distance ang nga tao. Pero bakit ngayon lang naisip ito? Ilan buwan na ang nakaraan,” tanong ng LCSP.

Nalungkot si Inton na nagka-hoarding at tumaas bigla ang presyo ng face shields.

Paliwanag pa ni Inton, hindi magaan sa bulsa sa ordinaryong pamilya ang bumili ng face shield. “Dahil kung may tatlo o apat sa pamilyang namamasahe at hindi lang isa ang bibilhin ay magastos din,” aniya.