
Taga-Iloilo nagpasaklolo kay Duterte
Iloilo consumers nagpasaklolo Na kay DU30, Kogreso vs PECO.
UMAPELA kahapon ang ilang mga residente ng Iloilo City kay Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte, Senado, at Kamara de Representantes na ibasura ang renewal ng Panay Electric Company (PECO) para sa kanilang legislative franchise.
Ayon kay Hazel Fernandez, isang ship captain at residente ng Jaro sa Iloilo City, panahon na upang magkaroon ng reporma sa kanilang serbisyo sa kuryente.
Mapapaso ang prangkisa ng PECO sa Enero 18, 2019 at nananatiling nakabimbin sa House committee on legislative franchises ang aplikasyon sa kanilang prangkisa.
Nakahanda ang mga residente na makipag-usap sa mga mambabatas at kay Pangulong Duterte upang personal nilang maiparating ang kanilang mga hinaing na naunang inilahad sa Energy Regulatory Commission (ERC) lalo na ang umano’y overcharging na mariing pinabulaanan naman ng PECO.
“Handa kaming makipag-dayalogo para maiparating ang aming hinaing,” ani Fernandez na sinita rin ang kawalan umano ng complaint desk ng PECO kaya tumatagal ang reklamo ng mga konsiyumer.
Umaasa naman si Mildred Jaromahum, isang retired Iloilo teacher mula sa Barangay Sinikway sa Iloilo City, na magagawan ng paraan ng kinauukulan ang kanila umanong mga reklamo sa PECO.
Sa isinumiteng liham naman ni Jaromahum sa Senado sa pamamagitan ni Iloilo City Councilor Joseph Alim, inereklamo nito ang kanyang sobrang laki umanong electric bill.
Nanawagan rin si Hernandez kay Pangulong Duterte na magpadala ng kanyang mga kinatawan o opisyal ng ERC sa Iloilo City upang marinig ang kanila umanong mga reklamo.
“Mahal na Pangulo, sana po ay wakasan n’yo na ang aming pagtitiis at tingnan ang basehan ng aming mga reklamo. Hinahangad namin na maging maayos ang serbisyo ng kuryente,” dagdag pa ni Hernandez.
Sa isang panayam ng Aksyon Radyo Iloilo kay Sen. Grace Poe, sinabi nito na ang mga hinaing ng mga residente ang kanilang prayoridad sa PECO issue.
Tiniyak naman ni Poe na kanilang titiyakin na magiging maganda ang serbisyo ng kuryente sa Iloilo City.