Tatanggi sa swab test lagot

August 20, 2020

HINDI na puwedeng tumanggi at taong nakasalamuha ng mga nag-positibo sa COVID-19 na sumailalim sa swab test at quarantine sa Navotas City.

Ito’y makaraang maglabas ng kautusan sa pamamagitan ng isang Executive Order si Mayor Toby Tiangco matapos ang ulat na tumatanggi ang mga nakasalamuha ng mga nag-positibo sa virus na magpa-swab test at patuloy pang lumalabas ng kani-kanilang tirahan.

Ayon sa alkalde, may mga ulat pa siyang natanggap na maging ang ilang mga nag-positibo sa COVID-19 ay umiiwas at pinagtataguan pa ang mga health workers na sumusundo sa kanila para dalhin sa isolation facilities na nagging dahilan upang lumaganap ang virus sa lungsod.

Sinabi pa ng alkalde na mahalagang matunton kaagad ang mga nakasalamuha ng mga nag-positibo sa COVID-19 upang mapigil pa ang hawahan lalu na’t lumabas sa resulta ng kanilang isinasagawang paghahanap sa mga ito na karamihan ay nagaganap sa loob ng isang pamilya ang pagkalat ng virus.

Ang mahirap pa aniya, may ilang mga hindi nagsasabi ng totoo sa kanilang mga contact tracer at sa halip ay inililigaw pa ang tracing team na nagiging dahilan upang bumagal ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan na masugpo ang pagkalat ng virus.

Sa ilalim ng inilabas na kautusan ni Mayor Tiangco, sa oras na isa sa mga miyembro ng pamilya ay magpositibo sa nakamamatay na sakit, lahat ng mga naninirahan sa kanilang bahay ay ituturing ng close contact at kailangang magpa-swab test at quarantine habang ang nag-positibo naman ay puwersahang dadalhin na sa community isolation facility.

Sinabi ng alkalde na ang sinumang tatanggi, magbibigay ng maling impormasyon at hindi makikiisa sa isinasagawang pagsisikap ng pamahalaan ay padadalhan ng demand letter. Sa oras na binalewala pa nila ang liham, sasampahan na sila ng kasong paglabag sa Section 9 ng R.A. 11332