‘Walang medical donations sa Malasakit Centers’

April 02, 2020

NILINAW ni Sen. Bong Go na walang ipinapamahaging cash o mga kagamitang medikal ang Malasakit Centers sa harap ng dinaranas na krisis ng bansa dahil sa corona virus o Covid-19.

Ayon kay Sen. Go, itinayo ang mga Malasakit Centers upang magsilbing "one-stop shops" ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno para sa mahihirap o indigent patients na nangangailangan ng medical at financial assistance programs.

"Wala pong PPEs o medical equipment na dinadala o pinapamigay sa Malasakit Centers. Wala rin po ditong pondo. Isa lang po itong referral center sa loob ng ospital kung saan nandoon ang PhilHealth, DOH, DSWD at PCSO na handang tumulong para mabayaran ang hospital bills ng mga pasyenteng walang pambayad," ang paglilinaw ni Go.

"Nananahimik po ang Malasakit Center at patuloy na tumutulong sa nangangailangan," dagdag niya.
Kaugnay nito, tiniyak ni Sen. Go na ang kanyang tanggapan sa Senado ay patuloy sa pagsisilbi sa bayan sa harap ng kasalukuyang krisis. 

Aniya, nagsisilbi ngayon ang kanyang opisina bilang tulay ng mga pribadong sektor upang maghatid ng tulong sa mga kinauukulang ahensiya na lumalaban sa pagkalat ng Covid-19. 

"We help those asking for assistance by connecting them to the appropriate public or private entities that can respond to their needs," ani Go. 

"Dahil sa krisis ngayon, marami pong lumalapit sa amin na private donors na nagpapatulong kung paano sila makakapag-donate ng food packs, PPEs, medical equipment at iba pang donations sa ating frontliners, mga ospital o mga komunidad na nangangailangan. Nakakatanggap rin kami ng mga mensahe mula sa mga frontliners, mga ospital at mga komunidad na humihingi naman ng tulong."

"Ito ang rason kung bakit pumapagitna kami sa mga humihingi ng tulong at sa mga nais tumulong. We help private donors who approach us in finding the right beneficiaries and vice versa. Kung baga, dagdag na tulong po ito mula sa mga “Good Samaritans” natin sa pribadong sektor para sa mga kababayan natin na nangangailangan pa ng tulong bukod sa naibibigay ng gobyerno sa kanila," ang dagdag ng senador.