1.5M pamilya na tumanggap ng DSWD Subsidy,

SAN FERNANDO CITY, Pampanga-- May 1,503,945 mahihirap na pamilya sa Gitnang Luzon ang tumanggap na ng ayuda sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ito ay 99 porsyento na ng kabuuang target na 1,515,847 pamilyang hindi benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa rehiyon.

Ang naturang financial assistance ay bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, nagkakahalaga ang ayuda ng 6,500 piso para sa bawat mahirap na pamilya. Ito ay binatay sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.

As of 8p.m. ng May 27, P9,775,642,500 na ang kabuuang halaga na naipamahagi sa pitong lalawigan.

Paliwanag ni Maristela, ang mga pamilyang nakatanggap ng ESP ay kabilang sa impormal na sektor na walang pinagkakakitaan dahil sa pagpapatupad ng mga community quarantine.

Sila rin ay may miyembrong kabilang sa alin mang bulnerableng sektor--senior citizens, persons with disability, buntis, solo parents, katutubo, homeless citizens, distress at repatriated Overseas Filipino Workers, magsasaka, mangingisda, self-employed, informal settlers at yung mga informal workers gaya ng drivers, kasambahay, construction workers, labandera at manikurista.

Bukod sa DSWD, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Labor and Employment at Department of Agriculture.