3 biniro ang pagkalalaki, binira pa ng mga bala

June 17, 2020

LA UNION -- Tatlong katao ang sinabihan na "Supot" (hindi pa natuli) ang pinagbabaril ng isang suspek noong Martes bandang alas-9 ng gabi sa Bgy. Corro-oy, Santol sa nasabing probinsiya.

Nakilala ang suspek na si Mac Joel Obedoza, 30, may asawa, habang ang mga biktima ay nakilalang sina Aljon Oribio, 24, may asawa, Harry Sabado, 17 at Jayson Sabado, 20, walang mga asawa. Lahat ay residente ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat, ang mga biktima ay nag-iinuman sa bahay ng isang Ricardo Sabado nang dumaan ang suspek at sinabihan ang isa sa kanila ng "Supot!".

Sa puntong iyon ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at mga biktima. Agad namang umalis ang suspek at nang bumalik, meron na itong dalang hindi malamang kalibre ng baril at pinagbabaril ang mga biktima na kung saan ay tinamaan si Aljon sa kaliwang kamay, sa tiyan naman tinamaan si Harry habang sa dibdib at tiyan naman ang tama ni Jayson.

Agad na isinugod ang mga biktima sa Balaoan District Hospital para sa agarang gamutan habang kasalukuyang hinahanap ng mga otoridad ang suspek.