3 nagpanggap taga-puneraria na me dalang patay, timbog

April 29, 2020

PANGASINAN -- Timbog ang tatlong katao na lumabag sa Enhance Community Quarantine at sumuway sa stay at home policy ng gobyerno na nagpanggap bilang empleyado ng isang puneraria bandang 11 p.m. Martes sa TPLEX Entry/Exit Quarantine Control Point Bgy. Linmansangan, Binalonan, sa nasabing probinsiya.

Kinilala ng mga otoridad ang tatlo na sina Billy Joe Ramos, 27, walang asawa, drayber, at resident ng 177 EI Malonzo St. Tangos Baliwag, Bulacan; Delcy Garcillan, 24, walang asawa, at Maria Christine Aguirre, 18, estudyante at parehong residente ng Poblacion Pulilan, Bulacan.

Ayon sa report ng Binalonan Police Station, nagpakilala ang mga nasabing  tao na sila ay empleyado ng isang puneraria at may dalang patay na dadalhin sa Binalonan.

Sa isinagawang inspeksyon ng mga otoridad, ang mga ito ay walang maipakitang dokumento tungkol sa kanilang negosyo at wala ring nakitang kargang patay kung hindi ang tatlong motorsiklo na wala ring maipakitang dokumento.

Ang tatlo ay nasa kustodiya na ng Binalonan PS para sa tamang disposisyon.