3 year-dev’t plan tugon sa Iloilo power woes

June 18, 2020
Electric and Power Corporation

TINIYAK ng kasalukuyang power distribution utility sa Iloilo City na More Electric and Power Corporation (More Power) na matatapos na ang mga nararanasang brownout sa lungsod sa kanilang ipinapatupad na P1.8-bilyong 3-year modernization program.

Ipinaliwanag ni More Power Chief Operating Officer and President Roel Castro na tugon ito sa napabayaang power distribution facilities ng kanilang pinalitang Panay Electric Company (PECO).

Sa ilalim ng ipinatutupad na modernization program, sinabi ni Castro na kanilang sinimulan ang pagkumpuni ng power distribution system, kabilang ang paglalagay ng looping system sa 69-kilovolt sub-transmission facility na magsisilbing back-up power supply tuwing may gagawing preventive maintenance at pagkumpuni sa limang substations sa buong lalawigan.

"Hanggang matapos ang maintenance works ay ilang oras din na walang kuryente, kung may loop system kahit regular ang gagawing maintenance sa facilities na walang power interruption, ‘yung ibang mga power utilities mayroon na nito, nakapagtataka na sa Iloilo City ay wala pa din, kaya isa ito sa aming prayoridad na matapos agad,” ani Castro.

Aabutin ng P1.8 bilyon ang gagastusin ng MORE para sa modernization program ng buong Iloilo power system na hindi lamang nakatuon sa pagsasaayos ng pasilidad kundi maging ng buong distribution system upang makatutugon sa mataas na demand ng kuryente sa susunod na lima hanggang sampung taon.

"96 taon nagserbisyo ang PECO pero wala silang mga makabagong pasilidad, tumaas na ang demand sa kuryente sa Iloilo kaya ang nangyayari may overloading na sa mga substation na umaabot sa 90 capacity na ang normal lamang ay dapat nasa 70 capacity, ito ‘yung delikadong sumabog kaya pinapalitan na natin ‘yung mga obselete o lumang modelo pa na substations ng PECO,” dagdag pa ni Castro.

Aabot sa 130 na sira-sira transformers na nanganganib masunog ang napalitan na at ginawa ring konkreto ang mga posteng gawa sa kahoy.

Nitong buwan ng Mayo, sinabi ni Castro na kanilang nakumpleto ang pagkumpuni sa Jaro City Proper at La Paz substations.

Sa mga darating na linggo, tatrabahuin naman ng MORE ang dalawa pang substations, ayon kay Castro.

Ipinaliwanag ni Castro na resulta ng mga palyado umanong pasilidad na kanila minana sa PECO ang narararasang brownout.

“We assure our consumers of immediate response to these unexpected brownouts so we can hasten the restoration of supply,” pahayag ni Castro.

Idinagdag pa ni Castro na tinututukan din ng More Power ang problema sa jumpers o illegal connections na syang sanhi ng pag-overload sa distribution system.

Upang maiwasan ang paggamit ng jumper, sinabi ni Castro na ibinaba ng More Power ang singil sa kuryente sa informal settlers at ginawang P9 per kilowatt hour.

“We reduced the rates to at least P9 per kilowatt-hour compared to P20 per kilowatthour the informal settlers have been paying to individuals who perpetuate the illegal connections,” pahayag ni Castro kung saan mas pinadali na rin ng kumpanya ang pag-apply ng electric meter para maraming mahikayat na magkaroon ng sariling kuntador ng kuryente.