6 dedo sa salpukan ng trak sa Benguet

June 08, 2020

ANIM ang naitalang patay sa naganap na banggaan ng mga trak na naganap bandang 4 a.m. Lunes sa Bontiway, Poblacion, Marcos Highway, Tuba, Benguet kung saan ay apat ang dead on the spot, dalawa ang dead on arrival sa hospital at apat ang sugatan.

Kinilala ni Police Major Carolina Lacuata, tagapagsalita ng Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR), ang apat na namatay on the spot na sina Belly Joe Lachica Collantes, 29, Raymart Dela Rama Lachica, may asawa, at John Rex Hilario, lahat pawang mga residente ng Baguio City at empleyado ng  General Services Office (GSO) ng Baguio at ang drayber ng trailer truck (LP RHK 439) na si Jonathan Frigillana Vargas na residente ng Aringay, La Union.

Ang dalawang biktimang isinugod sa Baguio General Hospital na dead on arrival ay kinilalang sina Rustom Lachica Dela Rama, may asawa, at Mark Alvin Dela Rama Collantes, may asawa, pareho ring empleyado ng GSO at residente ng Baguio City.

Kinilala naman ang apat na mga sugatan na isinugod sa BGH na sina Romeo Dela Raga Collantes, 21, Ernesto Lachica Collantes, 27, Philip Lachica Dela Rosa, 28, may mga asawa, at residente ng Baguio City at Merson Aoay Manalastas, 42, may asawa, drayber at residente ng Buyagan, La Trinidad, Benguet.

Ayon sa report ang trak ng basura ng GSO  (SKR634)na minamaneho ni Mark Collantes ay nawalan ito ng kontrol  habang binabagtas nito ang pababang daan at nabangga ang isang dump truck (NFZ 7477) sa bahaging likuran na minamaneho ni Merson Aoay Manalastas.

Sa lakas ng pagkabangga ang nasabing dump truck ay sumalpok naman sa harapang bahagi ng nakasalubong sa kabilang lane na daan papuntang Baguio ang isang trailer truck (RHK 439) na minamaneho ni Jonathan Figillana Vargas at patuloy na umabante at bumangga sa kanang bahagi ng concrete barrier ng daan at tumagilid bago ito tumigil.

Apat ang dead on the spot, dalawa ang dead on arrival sa hospital at apat ang kasalukuyang ginagamot sa BGHMC.

Kasalikuyang iniimbestigagan ang insidente.