78,954 pamilya sa Bataan nakatanggap na ng SAP

August 12, 2020

MAY kabuuang 1,219,777  mahihirap na pamilya sa Gitnang Luzon, kabilang ang 78,954 sa Bataan,  na hindi kasapi ng Pantawid Pamilya ang nakatanggap na ng second tranche ng kanilang ayuda sa ilalim ng  Emergency Subsidy Program-Social Amelioration Program o ESP-SAP ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, ang mga tumanggap ay dumaan sa masusing balidasyon bago pinagkalooban ng panibagong tulong  alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.

Una na riyan ang pagsusumite ng mga lokal na pamahalaan ng encoded at uploaded na Social Amelioration Card forms ng mga paid beneficiaries ng first tranche sa DSWD Region III.

Matapos nito ay nagsagawa ng validation at deduplication ang DSWD Region III upang matiyak ang eligibility ng mga benepisyaryo.

Ang validated list mula sa Region III ay isinailalim muli sa inter-regional deduplication sa lebel ng DSWD Central Office. Nai-cross match din ito sa datos ng ipa pang ahensya na nagkakaloob ng SAP gaya ng Department of Finance-Social Security System at Department of Labor and Employment.

At panghuli, ang final list ay ginawan ng payroll at ipinamahagi na ang ayuda sa kanila sa pamamagitan ng digital payments at direct payout para sa mga nasa malalayong lugar.

As of August 10, 1,215,446 ang natanggap ang kanilang second tranche sa pamamagitan ng digital payment habang 4,331 naman ang sa pamamagitan ng direct payout. Nagkakahalaga pa rin ito ng 6,500 piso na ibinase sa minimum wage ng rehiyon. 78,954 na ang tumanggap sa Bataan; 322,795 sa Bulacan; 321,645 sa Nueva Ecija; 249,311 sa Pampanga; 173,404 sa Tarlac; at 73,668 sa Zambales.