8 bagong COVID cases naitala sa Calapan City

August 19, 2020

MAY  bagong walong kaso ng COVID-19 na naitala ng City Health and Sanitation Department ngayong araw base sa resulta na ipinadala ng Philippine Red Cross molecular laboratory sa Batangas City.

Ang walong nag-positive sa COVID-19 ay mga fire officers at personnel ng Calapan City Fire Station ng Bureau of Fire Protection.

Ang Calapan Fire Station ay nasa locked down status noon pang August 15, 2020, ayon kay Calapan City Mayor Arnan Panaligan.

Binanggit ng alkalde na ang index case o unang kaso ng COVID-19 positive sa hanay ng mga bumbero ay nakumpirma noong August 16, 2020.

Noong August 14 unang nakaramdam ng sintomas ang nasabing fireman.

August 15 siya na-swab at August 16 lumabas ang resulta na sya ay COVID-19 positive.

August 17 naman sumailalim sa swab test ang mga kasamahan niyang bumbero na may mga sintomas o nagkaroon ng close contact sa kanya.

Lumabas ang mga resulta August 18 kung saan nag-positivo sa COVID-19 ang walong bumbero.

Ang lahat ng mga bumbero ng Calapan City Fire Station na COVID-19 positive ay naka-isolate sa City Quarantine and Isolation Facility sa City Hall Complex at minomonitor ng staff ng City Health and Sanitation Department. 

Ayon kay Panaligan, ang sitwasyon ay under control at maituturing na contained o confined sa hanay ng mga firemen ng Calapan Fire Station subalit isinasagawa rin ang contact tracing. Maagang na isolate ang mga firemen na nagka-sintomas bago pa sila sumailalim sa swab test, aniya.

“Muli nating binibigyang diin na ang mga bagong kasong ito sa kasalukuyan ay limitado at confined sa hanay ng mga kawani ng Calapan City Fire Station. Ang mga bumbero at mga pulis na nag positibo sa COVID-19 ay mga frontliners na simula pa ng nagumpisa ang pandemic noong Marso ay halos walang pahinga na sa kanilang pag duty. Hindi nila ginusto ang magka infection ng virus. Subalit dahil sa nature ng trabaho nila at expose sa maraming tao, walang mahabang pahinga at magkakasama sa pagtulog sa kanilang quarters ay naging madali silang dapuan ng virus,” dagdag ng mayor.

Sinabi ng mayor na patuloy ang normal na operasyon ng Calapan City Fire Station. Ayon sa kanya, mas marami ang firemen natin na negatibo sa virus at walang sintomas. Sila ngayon ay nananatiling handa na pangalagaan ang inyong kaligtasan katulad din ng ating pulisya.

“Ang ating maaaring gawin na tulong sa ating mga frontliners tulad ng health workers, police, sundalo, firemen at iba pa ay ang sumunod tayo sa health protocols. Laging mag-suot ng face mask, mag obserba ng physical distancing, maglinis lagi ng katawan at maghugas o mag disinfect ng mga kamay at iwasan ang pakikisalamuha sa mga tao o pagtitipon tipon,”dagdag pa ng mayor.