
ASF’ kumalat sa 3 bayan sa Laguna

TATLO pang bayan sa Laguna ang hinihinalaang tinamaan ng African Swine Flu (ASF) ang mga baboy.
Ito ang nabatid sa ulat ni Laguna Provincial Veterinary Chief Dra. Grace Bustamante kasabay sa mahigpit na pagpapatupad ng mga checkpoint na mga papasok at palabas ng Laguna.
Hinihinala ni Dra. Bustamante na posibleng ang pagkalat ng nakahahawang sakit ng mga baboy ay bunsod naman na dala ng mga langaw na dumadapo sa mga ito.
Unang naitalang tinamaan ng hinihinalaang ASF ang lungsod ng Calamba, bayan ng Victoria, Pakil , at Los Baños.
Ang apat na bayang pinaniniwalaang tinamaan rin ng ASF ay ang Calauan, Famy at Pangil, Laguna.
Idinagdag pa ng opisyal na may posibilidad na madagdagan pa ang bilang ng mga baboy na may sakit.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtaas ng presyo ng kinatay na baboy sa mga pamilihan sa ibat-ibang bayan sa Laguna.
Patuloy pa rin anya ang pag-monitor ng Bureau of Animal Industry (BAI) Laboratory sa ASF at pag-alam kung saan ito nagmula.
Una ng sinabi ni Dra. Bustamante na hindi pa masasabi at maideklara na ASF nga ang pinagmulan ng sakit hanggat walang laboratory confirmation.
"But it cannot be declared ASF without laboratory confirmation. There are other diseases with similar symptoms,” dagdag pa ni Bustamante.
Kamakailan, ay inatasan nito ang lahat ng municipal agriculturist sakop ng mga affected areas na magsagawa ng disinfecting sa kani-kanilang lugar kasunod ang atas nito na walang maglalabas at magkakatay ng baboy para ibenta sa mga palengke.
Nagbabala din ito sa pamunuan ng mga slaughterhouse na maging maingat sa pagkakatay ng mga baboy at suriing mabuti kung ito ay may sakit para hindi na makapinsala pa sa kalusugan ng mamamayan.
Papatawan ng kaukulang kaparusahan ang sino man na mapapatunayan na nagkatay at nagbenta ng karneng baboy na may sakit na ASF at iba pa.