Bagong HQ ng 7ID target matapos sa Disyembre 2020

FORT MAGSAYSAY, Palayan City -- Target matapos ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang pagpapatayo ng bagong headquarters ng 7th Infantry Division o 7ID ngayong Disyembre 2020.  

Ang malaking 7ID Army ay sumasakop sa Northern at Central Luzon regions.

Ito ang ipinahayag mismo ni DPWH  Secretary Mark Villar sa  groundbreaking ceremony ng naturang proyekto.  

Aniya, sakop ito ng TIKAS o Tatag ng Imprastruktura para sa Kapayapaan at Seguridad Program ng pamahalaan katuwang ang Department of National Defense bilang nakikitang agapay sa mga pangangailangang pasilidad ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na karamihan sa mga kampo ay luma at kulang sa gusali.  

Pahayag ng kalihim, ito ay munting pasasalamat lamang sa kabayanihan ng mga kasundaluhan ng bansa upang tiyaking sila ay magkaroon ng maayos na pasilidad na kapakipakinabang sa pagtupad ng tungkulin.  

Ang two-storey building na bagong headquarters ng 7ID ay isa lamang sa anim na isasakatuparang proyekto ngayong taon sa loob ng Fort Magsaysay na nagkakahalaga ng 40.9 milyong piso.

Dito matatagpuan ang magiging bagong Tactical Operation Center ng tanggapan.  

Kabilang pa din sa TIKAS program ang itinatayong dalawang gusali para sa Light Reaction Regiment na isa sa mga tenant units sa Fort Magsaysay na pinagkalooban ng four-storey transient facility at two-storey administration building project na nagkakahalaga ng 58.2 milyong piso.

Bukod pa rito ang pagpapatayo ng hangar para sa Army Aviation Battalion sa halagang 62.5 milyong piso at dalawang yunit ng barracks na nagkakahalaga ng 19.4 milyong piso para sa Special Forces Regiment. 81.2 milyong pisong pondo naman ang inilaan para sa road concreting project sa loob pa din ng kampo Magsaysay.