Barangay, ilathala challenge inilunsad sa Batangas 2nd district

April 24, 2020

KASUNOD ng anunsyo ng Department of Interior and Local Government na i-post ang listahan ng mga makakatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) sa kanilang mga barangay, ay naglunsad ang isang dating mataas ng opisyal sa Malacanang nang tinatawag na #barangay challenge at #ilathala challenge, kung saan makakatanggap ng pera at bigas ang unang sampung barangay na makakatupad sa ikalawang distrito ng Batangas.

Sa anunsyo sa webpage na Batangas-Segundo Distrito, sinabi ni dating Presidential Anti-Graft Commissioner Atty. Nicasio Conti, na ang unang sampung Barangay sa Segundo Distrito ng Batangas na mag-uupload sa nasabing page na Batangas-Segundo Distrito ng listahan ng mga pangalan ng kanilang binigyan ng ayuda sa ilalim ng SAP ay bibigyan ng pabuyang tig P5,000 bilang pandagdag sa mga pangangailangan ng Barangay.

Bukod dyan, tatanggap din ng tig-10 sako (25 kgs) ng bigas ang 10 barangay na mauuna.

Sinabi ni Conti na bahagi ito ng kanyang pakikiisa sa panawagan ni DILG Seretary Eduardo Ano na maging transparent ang Department of Social Welfare and Development at Barangay officials at lokal na pamahalaan, sa pagpili ng makikinabang ng ayuda sa ilalim ng Social Ameliorarion Program o SAP.

“Dapat po ay maging patas ang pagbibigay ng ayuda sa mga tao sapagkat lahat naman ay apektado. Pero kung talagang hindi kayang mabigyan lahat ng ayuda ay dapat yung kwalipikado talaga ang nasa lista", sinabi ni Conti.

Naniniwala rin si Conti na hindi lamang ang gobyerno ang dapat tumutulong sa mga tao.

“Nanawagan po ako ng pagkaka-isa at pagdadamayan. Sumunod po tayo sa ating pamahalaan. Hindi po ito ang panahon ng pulitika o siraan. Tayo ay magtulungan upang malagpasan ang dinaranas na kahirapan sa kasalukuyan,” sinabi ni Conti

Nagbigay na si Conti ng P150,000 sa Munisipalidad ng San Pascual, Batangas, 75 sako ng bigas sa bayan ng Tingloy, at nagkaloob halos 20,000 kilong bigas sa mga taga Segundo Distrito ng Batangas,  kabilang ang Bayan ng Lobo, Bauan, San Luis at Mabini. Namigay din sya nga mga itlog at grocery packs.

Isinulong nya rin ang programang Tulong Teresian na kung saan ang mga alumni at frontliners ng Sta. Teresa College, Bauan, Batangas ay tinutulungan ni Conti bilang Alumni President sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga relief goods.

Nauna na siyang umapila sa DSWD na bigyan ng ayuda ang lahat ng senior citizens na wala dapat pinipili sa ilalim ng SAP program na ngayon ay inaaral ng Kagawaran.