Bilang ng enrollees sa Balanga dumami pa

BALANGA CITY, Bataan -- Sa kabila ng pandemya,  tumaas ng apat na porsyento ang bilang ng mga mag-aaral na nag-enroll mula Kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ng Balanga.

Ayon kay Balanga City Schools Division Superintendent Ronnie Mallari, nasa 24,706 ang bilang ng mga nag-enroll na naitala base sa pinakahuling datos nitong Miyerkules, mas mataas kumpara sa 23,607 na bilang ng mga naka-enroll sa pampublikong paaralan sa lungsod noong nakaraang taon.

Sa nasabing datos para sa enrollment ngayong taon, 12,623 ang bilang ng mga naka-enroll sa elementarya, 7,906 sa junior high school, at 4,058 naman sa senior high school.
Nagkaroon ng pinakamalaking pagtaas ng bilang sa kanilang Special Education program kung saan mayroong nang 119 na enrollees, nasa 10% pagtaas kumpara sa 108 na mag-aaral noong nakaraang taon.

Giit ni Mallari, ang pagtaas ng bilang na ito ay nagpapahiwatig na malaki ang pagtitiwala ng mga magulang sa sektor ng edukasyon sa Balanga sa kabila ng kinakaharap na pandemya.

Dagdag pa niya, nananatiling modular learning ang pinakagustong pamamaraan ng pagtuturo ng mga magulang para sa kanilang anak ngayong hindi pinapayagan ang face-to-face classes.

Sa isinagawang survey ng Department of Education o DepEd, lumabas na 57.48% ang may gusto sa modular learning at sinundan naman ito ng online stand-alone na may 33%.

Ani ni Mallari, kinuha ang saloobin ng mga magulang gamit ang survey upang mas makita kung ano ang pangangailangan ng mga mag-aaral at mabigyang-tuon ito ng DepEd.

Handa naman aniya ang Kagawaran sa pagpapatupad ng modular learning dahil may sapat na kakayanan ang bawat eskwelahan sa pag-iimprenta ng modules sa tulong na rin ng pamahalaang lungsod ng Balanga.

Sinisigurado ni Mallari na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral dahil kaakibat nila ang mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor at maging ang mga magulang upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon.

Pahayag niya, natapos na ang pag-iimprenta ng mga activity sheets at kasalukuyan na itong ipinapamahagi sa mga mag-aaral.

Tinitiyak ni Mallari na handa na sila sapagbubukas ng klase at ang kaligtasan ng bawat mag-aaral ang kanilang magiging pangunahing prayoridad nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng edukasyon.