Calapan posibleng ilagay sa MECQ

August 12, 2020

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro -- Ayon sa resulta ng polymerase chain reaction (PCR) testing mula sa Philippine Red Cross molecular laboratory sa Batangas City, sa di-inaasahan ay nag positibo sa COVID-19 ang 42 na police trainees na kasalukuyang sumasailalim sa kanilang field training sa Calapan City Police. Ang 42 new positive cases na ito ay karagdagan sa 7 police trainees na naunang nagpositibo sa COVID-19.

Sa kasalukuyan, ang lahat ng mga police trainees na positive ay naka-isolate sa City Treatment and Isolation Facility sa City Hall Complex. Ang isang mabuting aspeto ng bagay na ito ay sa kasalukuyan ay confined o limitado ang confirmed COVID-19 positive cases sa isang grupo lamang ng mga police trainees na noon pang August 4 nailagay sa quarantine status.

Dahil dito, ating hiniling sa Regional IATF sa pamamagitan ng Tanggapan ng Punong Lalawigan Humerlito Dolor na pansamantalang ilagay ang Calapan City sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) status sa loob ng 14 araw simula sa Agosto 13, Huwebes. Ang isang araw na palugit simula ngayon ay pagkakataon na ibinigay upang makapaghanda ang mga residente ng lungsod.

Kailangang bumalik muna tayo sa MECQ upang maisagawa natin ang malawakang contact tracing. Tandaan natin na ang 42 police trainees na yan ay nag-duty sa kabayanan bago sila ma-quarantine noong August 4, ayon pa rin kay Gov. Dolor.

Kung magiging maayos ang resulta ng contact tracing at hindi na madadagdagan pa na marami ang bilang ng mga COVID-19 cases, maaaring paiksiin ang 14 day MECQ, dagdag pa rin ng butihing Gobernador.

Dahil dito, simula sa Agosto 13, paiiralin ang mga sumusunod na public safety measures katulad ng Market Clustering Days at may mga schedule na itatakda para sa  market days ng mga residente.

Ang paglabas ng bahay ay lilimitahan lamang sa pagbili o pagkuha ng mga essentials na bagay sa palengke, grocery, supermarkets, botika at pagpunta sa mga bangko, remittance centers, ospital o duktor. Mag-i-isyu muli ang mga barangay officials ng quarantine passes sa bawat pamilya, isang passes lang kada pamilya na pwedeng gamitin ng miyembro na lalabas para bumili ng essentials. Hindi na kailangang pumila sa barangay hall dahil ihahatid ng mga barangay officials ang mga passes sa bawat bahay.

At muling ipinagbabawal sa loob ng 14 araw ang mga mass gatherings, meetings, events, assemblies at sports activities.

Kasama na rin ang pagsasara sa mga opisina, pribado at publiko, at mga establisimento na hindi pinapayagan sa ilalim ng MECQ.