Hinahanap si Mayor Rommel Gecolea sa Cabuyao, Laguna!

MARAMI tayong kaibigan at kaanak sa Cabuyao, Laguna kaya ‘wag sanang masamain ni Mayor Rommel Gecolea kung pati ang inyong lingkod ay manawagan sa kanya!

Hindi maaaring hindi pag-usapan ang nagaganap na pamba-bash sa kanya sa social media dahil kung nanamnamin natin ang konteksto at laman ng kanilang panawagan, baka naman totoo ang kanilang reklamo.

Kaya sana, tanggapin ito ni Mayor Gecolea bilang konstraktibong komento.

Karamihan sa sumbong, hindi raw nila  maramdaman na may local government unit (LGU) sila!

Lalo ngayong panahon ng krisis likha ng mapaminsalang COVID-19.

Bukod sa pagpapa-selfie at facebook live sa checkpoint, dito lamang nila nakikita ang kanilang alkalde.

Oo’t ipinatutupad na rin ang ‘curfew system’ tuwing alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw. Pero ang tunay na tulong, pagkalinga, pagmamahal o katiting na ayuda ay wala silang nakukuha.

Inggit na inggit ang mga taga-Cabuyao sa mga residente nina Manila Mayor Isko Moreno, Pasig City Mayor Vico Sotto, Paranaque City Mayor Edwin Olivarez at Cainta Mayor Kit Nieto dahil kitang-kita ang pagiging aktibo nila sa pagbibigay tulong sa kanilang mga kababayan.

Masunurin naman ang mga taga-Cabuyao dahil nakikiisa sila sa ipinatutupad na enhanced community quarantine. Pero ‘helpless’ sila ngayon daw wala silang nakukuhang tulong.

Sa kasalukuyan ay wala pang COVID-19 patients sa Cabuyao. Ngunit hindi dahilan ito upang tugunan ang pangangailangan ng mga Cabuyawenyo.

Alam na alam kasi nilang naglabas daw ng P31 million ang Sangguniang Panglungsod pero kahit isang lata ng sardinas ay wala silang natatanggap na rasyon mula sa kanilang pamahalaan.

Hindi nila minamasama ang pagbili ng ambulansya, pambayad sa honoraria at meal allowance ng mga ‘front liners’ sa Cabuyao, ngunit sana naman daw makaramdam sila ng tapat na pag-aaruga at pag-aalala mula sa kanilang alkalde.

Ayaw kong paniwalaan ang sumbong na sa isang ‘FB live raw’ ay nasabi pa ni Mayor Gecolea na ‘wala siyang paki (I don’t care) sa mga naghahanap sa kanyang mga kababayan dahil mas gusto kong maniwala na anong malay natin kung sa mga darating na araw ay makikita nating naglilibot at nagbibigay na ng ayuda ang kanilang alkale.

Mismong mga barangay officials ay hindi rin alam ngayon ang gagawin dahil bukod sa wala silang sapat na pondo, wala ring malinaw na nagtitimon sa mga dapat nilang gawin at tulong sa kani-kanilang barangay.

Sabi tuloy ng mga taga-Cabuyao, kanino kaya sila magsusumbong para ireklamo ang mga nawawalang local government officials?

Sana magising si Mayor Gecolea tungkol dito.

WAG HARANGIN!

Grabe ang epekto ng COVID-19 sa buong mundo. Lahat tayo ay apektado na nang sobra-sobra.

Laging kawawa sa sitwasyong ganito ang mga mahihirap nating kababayan na kung tatagal pa ang kasalukuyang sitwasyon ay marami tiyak ang magugutom.

May panawagan ang mga sector ng agrikultura sa kinauukulan.

Sana raw, wag silang pahirapan na magpasok at maglabas ng supply sa kanilang mumunting hanapbuhay o negosyo. Dahil ang kanilang negosyo ay pagkain para sa mamamayang Pilipino.

Tulad ng mga supplier ng gulay at poultry sa Central Luzon. Hirap na hirap daw silang makakuha ng permit para madala papuntang Maynila ang kanilang produkto.

Lalo na ang pagbili at pagpasok ng mga ‘feeds’ o patuka para sa mga alaga nilang manok.

Pano nga naman lalaki agad ang mga manok sa poultry kung mismong mga feeds ay pinipigilang bumiyahe sa kalsada?

Alam kong mapagtutuunang pansin ito ng pamahalaan. At sana lang maaksiyunan agad ito  sa lalong madaling panahon.

Samantala, inihayag ni PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar na ang mga hotline number na maaaring pagsumbungan ng publiko ay: Joint Task Force CV Shield Command Center, PNP Command Center Globe: 09173125626; Smart: 09988940013; Landline: 7253176 at Email: PNP2019nCoVARRopns@gmail.com.