Jeepney driver walang mapakain sa pamilya, nagbigti

May 19, 2020

DAHIL sa lockdown, isang drayber ng pampasaherong jeep ang umano’y nagbigti bandang 5:50 a.m. noong Lunes  dahil wala ng maipakain sa kanyang pamilya.

Nakilala ang biktimang si Modesto Casil, 63, may asawa, at residente ng Bgy. San Aurelio 1st, Balungao, Pangasinan.

Ayon sa report ng mga rumespondeng mga tauhan ng Balungao Police Station na nag-imbestiga sa nangyaring insidente, sinasabing natagpuan ng anak na si Modesto P. Casil Jr, 39, walang trabaho, ang kanyang ama na nakabitin sa puno ng ipil-ipil gamit ang nylon cord na nakatali sa kanyang leeg sa bakanteng lugar sa likod ng kanilang bahay.

Ayon sa kanyang asawa na si Violeta P. Casil, 61, nagsimulang magkaroon ng problema ang kanyang asawa nang hindi na ito makapagmaneho ng pampasaherong jeep nang magsimula ang ipinatutupad na lockdown ng gobyerno na kung saan ay doon sila kumukuha ng pang araw-araw na gastusin.

Ayon pa sa kanyang asawa, naniniwala siya na ito ang dahilan kung bakit ito nagpakamatay.