Kandidato sa Abra nanampal

April 09, 2019

BANGUED Abra -- Isang kandidato para sa pagka-mayor ng Bangued, Abra ang nanampal umano ng tatlong kalalakihan bandang 4:30 ng hapon noong Lunes sa harapan ng bahay ng isang kapitan ng barangay na nakilalang si Loreto Laureta.

Ang insidente ng pananampal ay naganap sa Bgy. Bangbanagar, Bangued, Abra at naireport bandang 6:15 ng araw ding iyon sa Bangued Municipal Police Station (MPS).

Kinilala ng mga otoridad ang tumatakbong mayor sa nasabing lugar na si Ryan Luna at ang tatlong biktima na sina Drexell Festejo Bermudez, 40; Rolly Benosa Bernardez, 46; at Jayrome Berras Bello, 32, walang asawa at lahat ay residente ng Bangued, Abra.

Ayon sa report ang mga biktima ay nagsasagawa umano ng miting para sa kampanya nang dumating si Luna kasama ang kanyang grupo at bigla na lang pinagsasampal ang mga nasabing biktima ng walang anumang kadahilanan.

Ayon pa sa ulat, kinuha rin ni Luna ang sling bag ni Bello na naglalaman ng Asus cellular phone bago umalis ang grupo sa lugar ng pinangyarihan.

Ang insidente ay kasalukuyang iniimbestigahan na ng pulisya.