Laguna drug High Value Target arestado

March 27, 2019

Bumagsak  sa  buy-bust operation ng mga kagawad ng San Pablo City Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang  lalaking drug pusher at napapabilang sa High Value Target (HVT) sa kanyang safehouse sa Bgy. San Pedro,San Pablo City, Laguna kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Laguna  Provincial Director Senior Supt. Eleazar Matta ang naarestong suspek na si Richard Jardillo Hiwatig, 33, na mahaharap sa paglabag sa kasong Section 5 and 11 of RA-9165.

Isinagawa ng pulisya sa pamumuno ni DEU Chief Inspector Ricky Dalisay at kagawad ng PDEA ang operasyon matapos ipagbigay alam ng mga residente sa lugar ang iligal na gawain ng suspek kung saan isa sa mga ito ang nagpanggap na poseur buyer.

Doon mismo sa loob ng safehouse, hindi na nagawa pang makapalag ng suspek sa mga otoridad sa isinagawang agarang pag-aresto.

Nakumpiska sa suspek ang 14 na medium plastic sachet na naglalaman ng shabu na umaabot sa halagang P400,000 digital weighing scale at buy bust money na P1,000.