Lider ng Baying Drug Group nanlaban, patay sa shootout

April 24, 2020

PATAY ang 33-anyos na lider ng "Baying Drug Group"  na isang High Value Individual (HVI) matapos manlaban sa mga kagawad ng Provincial Intelligence Branch (PIB) at Calamba City police sa Bgy. Parian,Calamba City, Laguna Huwebes ng hapon.

Batay sa ulat ng pulisya, nakilala ang napatay na suspek na si Braian Alcasabas,  residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, dakong alas 12:30 kahapon ng hapon ng magsagawa ng pagsalakay sa lugar ang nabanggit na operatiba bitbit ang Warrant of Arrest kaugnay ng kinasasangkutang kasong homicide ng suspek.

Sangkot din umano sa pagtutulak ng iligal na droga ang suspek bukod sa patuloy na operasyon ng iligal na tupada  sa lugar.

Ipinabatid sa pamamagitan ng isang impormante ang surveillance operation ng pulisya bago ang pagsalakay.

Lumilitaw na habang paparating ang pulisya sa lugar, nagtangka pa umanong tumakas ang suspek bago pinagbabaril ang mga ito na nauwi sa pagpapalitan ng putok.

Binawian nang buhay sa pinangyarihan ng insidente ang suspek dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Narekober ng pulisya sa suspek ang ginamit nitong kalibre 45 baril, magazine at mga bala, isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa 30 gramo na may kabuoang street value na umaabot sa P625 libong piso at hinihinalang drug money na P8,700.

Samantala, patuloy na kinikilala ngayon ng pulisya ang iba pa umanong kasamahan ng suspek sa lugar at karatig na lalawigan.