Magnanakaw ng motorsiklo tuloy ang negosyo!

April 28, 2020

NADAKIP ng mga kagawad ng Provincial Highway Patrol Team (PHPT) at Sta. Cruz police  ang isa sa dalawang magnanakaw ng motorsiklo sa safehouse ng mga ito sa Calamba City,Laguna.

Base sa ulat ni Police PLt. Col. Chitadel Gaoiran, OIC-Sta Cruz police chief, kay Acting Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II,  ang arestadong suspek ay nakilalang si Gio Yosolon , 25, ng Sitio Mapagmahal, Bgy. Pagsawitan.

Ang kanyang  kasabwat na si Cliff Richard Teodoro, alias "Butchoy" 30, binata, security guard, ng Bgy. Bagumbayan ay nakatakas.

Ayon sa imbestigasyon, dakong  5:20 p.m. ng salakayin ni Laguna PHPT Team Leader PCapt. Ernesto Esguerra, RHPU4A SOT PMaj. Gemuel Cortina at kanilang mga tauhan kabilang ang nakatalagang Warrant Officer na sina PMSg. Rex Cabrera at PCpl. Algy Riguer ang lugar hinggil sa operation Manhunt Charlie bitbit ang Warrant of Arrest na ipinalabas ni Hon. Presiding Judge Atty. Iluminado M. Dela Pena, RTC Fourth Judicial Region, Br. 28, Sta. Cruz, Laguna dahil sa kinasasangkutan nitong kasong paglabag sa RA-10883 (New Anti-Carnapping Law of 2016) na walang kaukulang piyansang inilaan ang korte para sa pansamantala nitong paglaya.

Sa talaan, lumilitaw na naganap ang nasabing kaso noong nakaraang ika-7 ng nakaraang buwan ng Setyembre taon 2019 sa Bgy. Pinagsanjan, Pagsanjan, Laguna bandang alas 4:30 ng madaling araw.

Sinasabing aktong nakahimpil sa lugar ang sinasakyang motorsiklo ng biktimang estudyante na si Ronald Obrado, 19, ng sapilitang tangayin ni Yosolon at Teodoro bago mabilisang nagsitakas.

Nakatakas ang mga suspek tangay ang nasabing motorsiklo na hinihinalang naibenta na ng mga ito.

Mapalad na naaresto ng mga operatiba ang isa sa mga ito na pawang napapabilang sa Number 2 Most Wanted Person sa lalawigan.