Magsasaka dedo sa 3 litrong lambanog!

February 10, 2020

PATAY ang isang magsasaka matapos na malason sa ininom na tatlong litro ng lambanog kamakailan sa Pagbilao, Quezon.

Ang biktima ay nakilalang si Alvin Luna, 50, residente ng Pagbilao, Quezon.

Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP)- Calabarzon, nakaranas umano ang biktima ng paninikip ng dibdib at nahirapang huminga dahil sa tuloy-tuloy na pag-inom nito ng lambanog.

Isinugod ang biktima sa Tayabas Community Hospital sa Tayabas, Quezon subalit  hindi na nagawang iligtas ang buhay nito.

Lumalabas sa ulat na nasawi ang biktima dahil sa respiratory failure at pagkalason.

Napag-alaman na may tatlong araw nang tinutungga ng biktima ang lambanog kasama ang kanyang pinsan na nakilala lamang sa pangalang Duro.

Bukod sa lambanog, uminom din ang biktima ng tatlong bote ng alak.

Dahil sa insidente, iniutos ng Calabarzon Police ang  pagsasagawa ng crackdown sa lahat ng tindahan na nagbebenta ng lambanog nang walang kaukulang persmiso mula sa Food and Drug Administration.

Matatandaang nito lamang nakalipas na Disyembre, 2019 , mahigit sa 100 indibidwal ang isinugod sa hospital mula sa Laguna at Quezon makaraang malason sa lambanog.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.