Matadero namugot ng ulo, timbog

April 12, 2019

Isang naantalang report galing sa Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR) kahapon ang nagsasabing naaresto ang suspek sa brutal na pagpatay at pamumugot ng ulo na natagpuan sa kahabaan ng daan sa Sitio Pagturao, Bontoc Ili, Bontoc, Mountain Province bandang alas-4 ng umaga noong Martes.

Ayon sa report, sa sinagawang follow-up operation ng pinagsanib na miyembro ng Provincial Mobile Force Company at Bontoc Municipal Police Station sa isang barong-barong sa Sitio Pagturao, naaresto ang suspek na nakilalang si Kevin Ongaron Changat, 25, matadero, at residente ng Pattig, Bontoc Ili, Bontoc.

Ang biktima ay nakilalang si Wilfred Bandao Aquino, 31, matadero, at tubong Barangay Masoc, Bayombong, Nueva Viscaya  na natagpuang pugot ang ulo at merong mga tama ng saksak sa ibat-ibang parte ng katawan.

Ayon sa imbestigasyon, isang Larry Filog Chugwawi, 35, ang kasama ng suspek at biktima sa naganap na inuman sa slaughter house sa nasabing lugar na naunang umalis bandang 11 ng gabi araw ng Lunes para matulog.

Kinabukasan bandang 2:30 a.m. ng Martes, isang concerned citizen ang nagreport sa pulisya na meron siyang nakitang isang bangkay sa nasabing lugar habang siya ay sakay ng kanyang motorsiklo.

Mabilis na rumesponde ang mga otoridad at natagpuan ang bangkay na pugot ang ulo at iniwan pa ang nakatarak na patalim sa dibdib ng biktima.

Agad naman nadakip ang mga suspek na sina Chungwawi at Changat sa barong-barong malapit sa lugar ng insidente.