Mayor di pipigilan kalaban sa pulitika na tumulong sa gitna ng pandemya

SAN ANTONIO, Nueva Ecija -- Ito ang tahasang sinabi ni Mayor Arvin C. Salonga kung sakali daw na maharap din siya sa situwasyon katulad nang nangyaring kontrobersiya na kinasangkutan nila San Juan City Mayor Francis Zamora at former senator Jinggoy Estrada dahil sa ginawang relief operations ng dating senador kung saan nagpamigay ito ng bangus sa mahihirap niyang kababayan sa Bgy. Salapan ng nasabing lungsod.

Sinabi ni Mayor Salonga, di daw niya pipigilin at pasasalamatan pa niya ang halimbawa’y kanyang karibal sa pulitika na si ex-mayor Antonino “Nonoy” Lustre kung ito daw ay magpapamudmod ng relief goods sa kanyang mga kababayan lalo na ngayong may COVID-19 pandemya.

Ayon kay Mayor, “welcome” daw ang lahat ng nagbibigay at tumutulong lalo na kung ito ay manggagaling sa kanyang mga kalaban sa pulitika at tatanawin daw niya itong isang malaking utang na loob habangbuhay.

“Hindi pulitika, kundi pagkakaisa ang kailangan natin ngayong may pandemya, dahil sabi nga “We Heal As One,” dagdag pa ng alkalde.

Para kay Mayor, di daw kailangan pa ang permit-permit mula sa munisipyo kung may magpapamigay ng relief kahit sino, kalaban man o hindi. "Hindi ko pahuhuli sa otoridad ang aking mga kalaban, kundi pasasamahan ko pa at pababantayan sa pulis para tulungan silang isaayos ang isinasagawa nilang relief operations," ani Salonga.

Binanggit ito ni Mayor Arvin dahil nagsagawa daw ng magkahiwalay na relief operations ang grupo nila fourth district Rep. Maricel Natividad-Nagano at Rep. Jose Gay "GP" Padiernos ng Galing Sa Puso partylist (na kapuwa taga-Nueva Ecija) pero wala naman daw hininging permit ang LGU para nila maisagawa ang kanilang operasyon.

“Insecured” lamang daw marahil si San Juan City mayor Zamora, ang sabi pa ni Mayor, kaya ganoon daw ang kanyang naging reaksyon sa bangus-distribution efforts na isinagawa ng tropa ni dating senador Estrada nitong nakaraang Mayo 3.

Ayon sa alkalde, na nagwagi bilang unopposed o walang kalaban nitong nakaraang 2019 elections, ay wala pa naman daw siyang karibal sa pulitika ang nagpamudmod na ng relief goods at kung mayroon man daw, tatambalan pa daw niya ang ibibigay nito at dadagdagan.

Katulad daw sa ginawa nila sa San Antonio, lahat ng supporters ng kanilang kalaban ang inuna nila na bigyan ng ayuda. "Kakampi o kalaban lahat ay binigyan, walang pinipili," sabi pa ni Mayor.

Si Mayor Salonga ay nag-react dahil siya at si former senator Estrada na anak ni former president at Manila mayor Joseph Erap Ejercito Estrada ay magkumpadreng tunay. Inaanak sa binyag ng senador ang bunsong anak ni mayor na si Arvin Joson Salonga, na ngayon ay sampung taong gulang na. Magkakasama pa sila sa partido ni Erap ang Pwersa ng Masang Pilipino (PMP).

Si "Baby Arvin," palayaw ng bata, ay apo nila Quezon town mayor Mariano Cristino "Boyet" Joson, at maybahay na si former first district Rep. Josie Manuel-Joson.

Kaya ang tanong ni Mayor Salonga matapos dalhin si senador Jinggoy sa police station, saan daw po na napunta ang bangus na isinakay sa mobile ng kapulisan?

"Eh hindi naman kinasuhan si Jinggoy matapos hulihin, eh anong klaseng kalokohan iyon. Eh ano pa kundi harassment," sabi pa ni mayor.