Mister sinunog ng buhay ni misis

Fire

PATAY ang isang 25-anyos na mister matapos buhusan ng gasolina at silaban habang natutulog ng galit na galit na misis dahil sa umano’y sobrang pambababae nito at pagpapahirap sa kanya  sa loob mismo ng kanilang bahay sa Sta Rita, Pampanga.

Kinilala ang biktima na si Vidal ‘Verver” Batas, residente ng  Zone 3, Bgy. San Isidro, Gasak, Sta Rita, Pampanga.

Arestado naman ang suspect na nakilalang si Gisel Batas, 24, at residente rin ng naturang lugar.

Ayon sa ulat ng pulisya naganap ang insidente dakong 3 a.m. nitong Linggo sa loob ng tahanan ng mag-asawa.

Natutulog umano ang biktima nang bigla itong buhusan ng gasolina ng ginang at sinilaban gamit ang lighter.

Naisugod pa ang biktima sa Jose B. Lingad Regional Memorial Hospital  subalit  pumanaw din ito dakong 1 p.m. noong Linggo.

Ayon kay  Sta Rita Chief of Police Captain Renemer James Pornia, madalas na mag-away ang mag-asawa dahil umano sa pambabae ng biktima,

Bukod dito, nananakit din umano ang lalaki at madalas na pinagsasabihan ng masasama at minumura ang  asawa na posibleng dahilan ng krimen.

Ang mag-asawa ay may dalawang anak , isang pitong taong gulang na lalaki at isang  taong gulang na babae.

Nahaharap ang suspect sa kasong murder sa ilalim ng  Article 248 ng Revised Penal Code.