P431M binigay ng DOLE sa 86,368 formal sector workers sa CL

SAN FERNANDO CITY, Pampanga, -- Humigit kumulang 86,368 manggagawa na napapabilang sa “formal sector” ang tumanggap ng tig-limang libong pisong ayuda mula sa Department of Labor and Employment na umabot ng mahigit P434M.

Layunin ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP ng ahensya na tulungan yung mga apektado ng flexible work arrangements o temporary closure dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine.

Inilahad ni DOLE Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita na as of April 23 ay nakapagrelease na sila ng P431.84 milyong halaga ng ayuda para sa 86,368 manggagawa mula sa 3,974 establisyemento sa rehiyon.

Sa numerong yan, may 1,849 manggagawa mula sa 147 establisyemento sa Aurora; 8,951 mula sa 475 sa Bataan; 27,337 mula sa 938 sa Bulacan; 7,190 mula sa 495 sa Nueva Ecija; 27,942 mula sa 1,115 sa Pampanga; 4,915 mula sa 358 sa Tarlac; at 8,184 mula sa 446 establisyemento sa Zambales.

Ang pamamahagi ng naturang financial assistance ay bahagi ng Social Amelioration Program ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.

Bukod sa DOLE, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development at Department of Agriculture.