Salvage victim nakita sa bangin

April 13, 2019
Salvage Victim

ISANG hindi kilalang lalaki na hinihinalang biktima ng salvage ang natagpuan na  tadtad ng mga saksak sa katawan  at ang bahagi ng kanyang mukha bukod sa nakatali ng nylon cord  ang kamay at paa sa bangin ng  Manila East Road, Bgy. Amuyong, Mabitac, Laguna, nuong Biyernes ng umaga.

Ayon sa ulat ng Mabitac police, ang biktima na natagpuan ng mga residente dakong 10:40 ng umaga na tinatayang nasa pagitan ng 18-25 anyos ay  hindi pa rin nakikilala na nakasuot ng kulay orange na polo shirt at gray short pants.

Ayon sa pulisya ito ay may taas na 5’6" talampakan, katamtaman ang pangangatawan at kayumangi.

Hinihinala ng pulisya na ang biktima na nagsisimula ng mangamoy ay ilang araw ng patay saka itinapon sa bangin ng hindi kilalang mga suspek.

Nakagapos  ng kulay berdeng lubid ang bahagi ng kamay nito sa likod at paa, suot ang damit na may markang numero tres.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Mabitac police upang matukoy ang pagkakilanlan sa biktima maging ang mga salarin na responsable sa pagpatay.