Tilapia’t pusit ipinamigay sa Ilocos Sur bgy

SANTIAGO, Ilocos Sur- - Ipinamahagi ng mag-asawang OFW bawat pamilya sa barangay Salincub sa bayang ito ang kalahating kilo ng tilapia’t pusit noong Marso 27.

Mahigit 200 pamilya ang nabigyan ng mag-asawang Overseas Filipino Workers na tumangging magpakilala sapagkat nais lamang nilang makatulong sa kanilang mga kabarangay lalo na sa mga natigil ang trabaho dahil sa pagsisimula ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sila ang namigay ng pondong ginamit pambili sa mga nasabing lamang dagat.

Sinabi ng mag-asawa na hirap ng buhay ang nag-udyok sa kanila upang mamigay ng kaunting tulong.

“Nagpapataya lamang ako noon sa aming lugar at sa awa ng Diyos ay nakapag-abroad. Lumaki ako sa hirap kaya alam ko ang hirap na nararanasan ng ating mga kababayan ngayon,” ani ng OFW.

Ayon pa sa kaniya, “Kahit kaunting tulong lamang ang aming naipamahagi, masaya kami sapagkat tuwang-tuwa ang aming mga kabarangay.”

Kitang-kita ang tuwa ng mga nakatanggap ng tulong sa Facebook post ni Melody Elegino, kaibigan ng mag-asawa na naging instrumento upang maiparating ang nasabing tulong sa kanilang mga kabarangay.

“Kapag nakaluwag-luwag ulit, God-willing eh mamimigay po ulit tayo,” dagdag ng mag-asawa.

Hinikayat pa ng mag-asawa ang kanilang mga kababayan na medyo may kaya sa buhay na mamahagi ng kahit kaunting tulong.

“Manalangin lang tayo na sana matapos na ang coronavirus disease (COVID-19) para malagpasan natin ang krisis na ito,” dagdag ng mag-asawa.

Mula sa datus ng Provincial Health Office, isa ang positibo sa COVID-19, anim ang bilang ng mga Persons Under Investigation na naka-admit sa ospital at 3,924 naman ang bilang ng mga Persons Under Monitoring na nasa home quarantine sa probinsiya.